December 23, 2008

Ang Pasko ng Isang Magbabalot


“Balooot! Balooot!” ang malakas na sigaw ni Anton, “sana makarami ako ng benta ngayon nang maibili ko man lamang si Ana ng paborito niyang tsokolate, tinapay,at keso.” Bitbit niya ang kanyang panindang balot na kahahango pa lamang sa balutan. Alas diyes na. Lilimang balot pa lamang ang kanyang naibebenta.
Napatingin siya sa mga naggagandahang bahay na ngayo’y napapalamutian ng naglalakihang parol. Ang mga bintana’y naiilawan nang maliliwanag at makukulay na Christmas light. Malakas na tawanan, masisiglang awiting pamasko, sigaw ng mga batang bihis na bihis at naglalakad sa lansangan. Ito ang namamayani ngayong gabi, bisperas ng Pasko. May kanya- kanyang bitbit ang lahat, pagkain marahil para sa noche buena o di kaya nama’y mga regalo.

“Balooot! Balooot!” ang patuloy niyang sigaw ngunit ang kanyang tinig ay nalulunod ng kasiyahan sa paligid. Matumal ang benta ng balot kung Pasko. Ano nga ba ang balot sa harap ng hamon, keso de bola, kastanyas, at iba pang masasarap na pagkain? Ngunit walang alam na hanap-buhay si Anton kundi magtinda ng balot.

“Balooot! Balooot!” ang kanyang walang sawang sigaw habang naglalaro ang kanyang gunita. “Sayang,” ang kanyang bulalas sa sarili, “pitong taon na at wala pa rin kaming anak ni Ana.” Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinawalan, “Kung hindi lamang nagkadiperensiya sa kanyang matres si Ana, sana mayroon na akong anak na reregaluhan ng mga damit at laruan ngayong Pasko. Sana mayroon nang sasalubong sa aking pag- uwi ngayong noche buena. Sana.”

Napatingin siya sa isang lalaking nakasalubong niya na may kalung-kalong na batang mahimbing na natutulog.”Buti pa siya… buti pa siya…,” ang bulong ni Anton.

“Balooot! Balooot!” ang patuloy na pagsigaw ni Anton. Minamalat na siya. Alas onse na. Lilimang balot pa rin ang kaniyang naibenta.

“ Ang tsokolate’t keso ni Ana?” ang kanyang bulalas sa sarili, “ Kaming dalawa na naman ba ang kakain nito? Sayang, wala kaming anak.” Pinakinggan niya ang paligid – tawanan ng mga bata ang kanyang naririnig na nanggagaling kung saan saan. Nasabi niya sa kanyang sarili, “Totoo. Ang Pasko ay para sa bata.”

Tumingin siya sa langit – madilim. Pinakiramdaman niya ang paligid – malamig. Tila nakikiramay ang mga ito sa kanyang nararamdaman. Parang ayaw na niyang umuwi sa kaniyang bahay. Ibig niyang magtanong sa Diyos. Nahabag siya sa sarili. Kay Ana. “ Mabuti pa sila… mabuti pa sila,” ang paulit-ulit niyang bulong.

Pagod na siya kasisigaw ng kanyang paninda. Nagsawa na siya. Naisipan niyang umuwi na lamang at mag-noche buena ng balut. Mabagal niyang tinahak ang makipot at mahabang eskinita patungo sa kaniyang bahay. Tahimik ang paligid. Madilim. Malamig.

Walang anu-ano’y isang tinig ng lalaki na nanggagaling sa isang barung – barong ang kaniyang narinig, “ Balot! Balot! Mayroon pa po ba?” Napatawa siya sa sarili. “ Balot, ngayong Pasko? Marahil tulad ko, wala rin siyang pambili ng tsokolate’t keso.” Lumapit si Anton sa bahay ng lalaki, tulad ng bahay niya, ito’y gawa sa pinagtagpi – tagping yerong segunda mano tila galing sa labi ng sunog.

“Buti na lamang at nagdaan po kayo rito. Naghahanap po ng balot ang asawa ko.” Ang sabi ng lalaki, “Pasok po kayo. “ Nagtatakang pumasok si Anton sa maliit na bahay.


Bumungad sa kanya ang isang babaeng nakahiga at yakap –yakap ang isang malusog na sanggol. Kapapanganak lamang ng sanggol. Pawisan ang babae at tila pagod na pagod, samantalang mahimbing na natutulog naman ang sanggol. Mabilis na lumapit ang lalaki, hinalikan sa pisngi ang kanyang bagong anak at marahang tumabi sa babae. Napatitig siya sa kanyang nakita. Namalik – mata. Nakita niyang bigla: Jose. Maria. Hesus. Maya – maya, napansin niyang iniaabot na niya sa babae ang basket ng balot. Isang ngiti ang biglang sumilay sa mukha ng babae nang makita ang balot.

“Regalo ko sa inyo ngayong Pasko,” ang sabi ni Anton, “maaari ko bang mahawakan at mahalikan man lamang ang inyong anak?” Nagkatinginan ang mag-asawa at tumango pagkatapos. Sabik na sabik na kinalong ni Anton ang sanggol at marahang hinagkan ito. Hinaplos-haplos niya ang maselang kutis. Niyakap. Damang-dama ni Anton ang init ng sanggol. Buhay na buhay ito. At pagkatapos, marahan niyang ibinalik ang sanggol sa kanyang inang may pagtataka sa ikinilos ni Anton. Nakabibinging katahimikan ang naghari sa maliit na barong – barong.

“ Si Ana! Oo nga pala, si Ana ko!” ang biglang naibulalas ni Anton, “ Alas dose na pala!” Mabilis na nagpaaalam si Anton at nagdudumaling lumisan. Hindi na niya kinuha ang basket ng balot. Hindi na niya narinig ang lalaking tigib na nagpasalamat.

Mabilis niyang tinahak ang madilim na landas pauwi. Napatingin siyang muli sa langit. Madilim pa rin. Ngunit ngayon lamang niya napansin ang napakaraming bituing kumukutitap at nagbibigay liwanag sa kalangitan.

Malamig pa rin ang simoy ng hangin.Ngunit nadarama pa rin niya ang init ng ngiti ng babae, at ang init ng katawan ng sanggol na dumampi sa kanya.

Narinig pa rin niya ang tawanan ng mga bata. Ngunit naalala niya ngayon si Ana. Tiyak na naghihintay at nag-aalala na ito. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman, kakaibang kasiyahan ang namamayani sa kanyang puso.

Naibulalas niya sa kanyang sarili: “salamat Jose. Salamat Maria. Salamat Hesus.” Pasko na.





- ni Fr. Willy M. Samson,SJ
Ateneo de Zamboanga University

No comments:

Post a Comment